ISPORTS kolum
PALAKASAN O AKADEMIKO
Isinulat ni KC Salazar

Panis na Pangarap. Ang masalimoot na katotohanan sa likod ng matamis na tagumpay.
Sa paglipas ng panahon, hindi matatawaran ang epekto ng palakasan at akademiko sa paghubog ng isang indibidwal. Sa maraming paaralan at unibersidad, ang debate kung alin sa dalawa ang dapat bigyang-priyoridad ay patuloy na lumalalim. Dapat nga bang mas pagtuunan ng pansin ang sports kaysa sa akademiko? O dapat ba itong manatiling pantay? Ito ang naranasan ni Laurice Nicole Malicay na isang manlalaro ng badminton na sa ngayon ay nakatuon sa palakasan.
“ I sacrificed my academics jud karon kay I sacrificed it for my training (Sinakripisyo ko talaga ang aking pag-aaral dahil parati kaming may training),” sabi ni Laurice na nagresulta sa pagbaba ng kaniyang mga marka.
Hindi maikakaila na ang sports ay may malaking benepisyo. Bukod sa pisikal na kalusugan, itinuturo nito ang disiplina, determinasyon, at teamwork—mga aspetong nagagamit sa tunay na buhay. Sa ibang mga pagkakataon, ang sports ay nagiging daan upang magkaroon ng scholarship ang isang mag-aaral, na nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa kaniya. Para sa ilang atleta, ang sports ang nagiging kabuhayan, nagbibigay ng pagkilala, at nagsisilbing inspirasyon sa iba pang nangangarap.
Subalit, hindi rin maaaring balewalain ang kahalagahan ng akademiko. Ang edukasyon ang pundasyon ng tagumpay sa maraming larangan. Sa mundong patuloy na umuunlad, ang pagkakaroon ng matibay na pundasyon sa agham, matematika, sining, at iba pang asignatura ay mahalaga upang makasabay sa mga hamon ng hinaharap. Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami na may limitasyon ang pagiging atleta—maaari itong maputol dahil sa injury o pagtanda. Ngunit ang kaalamang natamo sa akademiko ay panghabang-buhay.
Ang sagot sa tanong na ito ay hindi isang simpleng pagpili ng isa sa dalawa. Sa halip, dapat itong tingnan bilang isang balanseng aspeto ng buhay ng isang mag-aaral. Hindi kailangang isakripisyo ang pag-aaral para sa sports, gayundin, hindi dapat ipagkait ang oportunidad sa sports dahil lamang sa mabigat na akademikong gawain.
Ang tunay na hamon ay kung paano mapananatili ang balanse. Nararapat na magkaroon ng suporta mula sa paaralan, pamilya, at komunidad upang matulungan ang mga estudyante sa parehong larangan. Sa ganitong paraan, mapapatunayan natin na hindi kailangang mamili kung alin ang mas mahalaga—dahil sa huli, parehong may papel ang sports at akademiko sa paghubog ng isang matagumpay na indibidwal.