BALITA

BALITA

Edu-Aksyon

Reporma sa Kurikulum, Ilulunsad ng DepEd

Isinulat ni Earl Vincent P. Camello

Inanunsyo ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang paglulunsad ng malawakang reporma sa kurikulum bilang bahagi ng programang SHARE—Select, Harvest, Acknowledge, Recognize, and Excellence—na proyekto.

Ayon kay Dr. Emiliano B. Elnar, Jr., Chief Education Supervisor ng Department of Education, Region VII, layunin ng reporma na paghusayin ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng mas epektibong pagtuturo at paggamit ng makabagong materyales sa pagtuturo.

Sa ilalim ng repormang ito, ipapatupad ang bagong kurikulum na tututok sa pagpapalakas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa agham, teknolohiya, inhinyeriya, at matematika (STEM), pati na rin sa agham panlipunan at wika.

Dagdag pa ni Dr. Elnar, isang malaking bahagi ng reporma ang pagbibigay-diin sa aktibong partisipasyon ng mga guro at paggamit ng mga natukoy nang mabisang materyales sa pagtuturo, na sa ilang pagkakataon ay hindi pa nagagamit nang lubos sa mga paaralan.

Bilang tugon sa lumalawak na papel ng teknolohiya sa edukasyon, bibigyang-pansin ng reporma ang integrasyon ng artificial intelligence (AI) sa mga gawain ng guro at mag-aaral.

Subalit, binigyang-diin ni Dr. Elnar na ang paggamit ng AI ay isang kasangkapan lamang upang mapadali ang mga proseso ng pagtuturo at pagkatuto at hindi dapat humantong sa pagkawala ng tunay na pagkatuto ng mga mag-aaral.

“Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang magtulungan nang sama-sama at maisakatuparan ito,” ani Dr. Elnar.

Ipinaliwanag niya na ang tagumpay ng repormang ito ay hindi nakasalalay sa iisang sektor lamang kundi sa sama-samang pagsisikap ng lahat ng kasangkot sa edukasyon.

Ang mga guro ay may mahalagang papel sa epektibong pagpapatupad ng mga pagbabagong ito. Gayundin, kailangang magkaroon ng aktibong partisipasyon ang mga mag-aaral upang matiyak na talagang natututo sila mula sa makabagong sistema ng pagtuturo.

Binibigyang-diin din na ang mga magulang at iba pang stakeholders ay may pananagutan sa pagsuporta sa mga inisyatiba ng DepEd.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top